Hindi pa naman maluwang ang mga turnilyo ko. Kapag wala talaga akong maisulat, naghahanap na lang akong mapagtitripan. Kahit ano. Mahilig akong magtanong. Mahilig akong mag-usisa. Hindi ko alam kung anong meron sa mga tanong ko at palagi silang nagagalit sa akin. Baka naman hindi lang talaga nila kayang sagutin.
Isa sa napagtripan ko ngayon ay kung anong mundo meron ang mga numero. Sino ba ang nagbigay nito? Ang Diyos, ang demonyo o ang Mathematician? Saan naman sila galing? Sa langit, lupa o impyerno? Hay, bahala kang pumili kung alin sa kanila. Sa ngayon, mas naniniwala akong ang mga kubrador ng jueteng ang may kagagawan ng mga kahibangang ito. 32!
Saan naman galing ang mga kubrador ng jueteng? Nagkaroon siguro ng anak sa labas si Adan na ang naging bisyo ay mag-prophecy sa kahulugan ng mga numero hanggang sa naisalin na sa kasalukuyang henerasyon. Ngayon, malinaw na sa akin. Ang numero ay mula sa mga jueteng lord na apo sa libag ni Adan na anak ‘ata ng Diyos.
Sa katunayan, wala naman sa plano ko na ikwento ang kasaysayan ng numero. Gusto ko lang naman pagtuunan ng pansin ang numero tres.
Tres. Ang numerong kinatatakutan sa class card ng mga estudyanteng pasang-awa. Ito ang markang nag-aalangan. Siguro, nakonsensya lang ang titser mo. Imbis na ibagsak ka, dahil nagbabayad ka naman ng tuition, binigyan ka na lang ng tres.
Sa totoo lang, hindi lahat ng nagkaka-tres ay yaong mga pabaya sa pag-aaral at mga lulubog-lilitaw. Meron lang talagang mga titser na iresponsable at pabaya. Mabibigla ka na lang dahil may nawawala o blangko sa record ng mga quizzes, assignments, exams, projects o activities. Kung hindi man, baka may personal na galit sa’yo at dinaan lang sa tigasan ng pulang bolpen. O ‘di kaya’y gusto lang ipagmayabang na mataas ang standard niya at hinding-hindi mo kayang abutin. Ganoon ba ‘yon?
Ready! 1, 2, 3! Bakit kapag palaging huhudyat ng simula, mas mainam gamitin ang tatlong pagbibilang? Hindi naman pwedeng pagsabi mo palang ng uno, takbuhan na agad sila. Ang pangit naman ng hanggang lima o sampu dahil sobrang tagal. Mangagayayat kaya ang mga runners.
Nang makakita akong tatlong bituin sa aking panaginip, sabi ni Manong Kubrador, itaya ko raw ang ‘pompyang tres’ at delikadong tumama ako. Kinabukasan, nag-123 si Manong at hindi na sa’kin nagpakita. Takot sigurong makakita ng tatlong star nang hindi sa oras.
Luzon, Panay Island at Mindanao. Sa mga hindi pa nakakaalam, iyan ang totoong pinagmulan ng tatlong bituin sa watawat ng Pilipinas. Akala mo siguro noon Luzon, Visaya at Mindanao, nagkakamali ka, nagkamali ang titser mo, at nagkamali ang libro.
3-in-1. Mahilig tayo sa mga all-in-one. Tamad kasi at masyadong nagtitipid ang pinoy. Kahit tinitipid ang lasa ng 3-in-1 coffee, noodles at ice candy mo, ayos lang basta matikman mo lang lahat nang isahan. Mayroon ding usong bag sa Avon na pwedeng gamiting shoulder bag, sling bag o maleta. Uso din ito sa underwear ng mga tamad magpalit at maglaba, isang salawal na usable for 3 days. Tipid!
Three Kings. Isa pa sa ipinagtataka ko ay ang Tatlong Hari na palaging binabanggit sa awiting “Ang Pasko ay sumapit”. May tatlong haring nagsidalaw.” Wala man lang bang naligaw nang sa ganoon ay naging apat sila?
Maria Magdalena, Maria Veronica at Maria Salome. Hindi pa naman semana santa para pag-usapan ito pero ang ipinagtataka ko lang talaga ay kung bakit naging tatlo pa o tatlo lang ang Tres Marias. Pwede namang isali si Maria Makiling para apat-dapat. Masyado talaga akong paki-alamiro.
Oro, Plata, Mata. Kahit sa pagpapagawa ng bahay na may hagdan, pinakikialaman pa rin ang tatlong salitang ito. Malas daw kasi kapag tumapat sa ‘Mata’ ang panghuling hagdanan. Hindi dahil mabubulag ka kundi mamalasin ka habang buhay. Kaya kung mahilig kang gumamit ng stairs sa MTV Building dahil malakas ang paniniwala mong ‘it adds years to your life, and life to your years’, mag-ingat ka. Binilang ko na kaya ‘yon. Hindi ko lang matandaan kung ano.
Babala: Huwag tularan!
Nang minsang mag-black-out, dumaan ako sa fire exit ng MTV Building papunta sa 6th floor. Habang binibilang ko ang mga hagdanan, hindi ko alam na ginagawa palang playground ng mga hayskul ang lugar na ‘yon kapag vacant hours. Hindi ko namalayan na may estudyanteng tumatakbo pababa, parang nawalan ng preno at nabundol ako. nauntog ang ulo ko at nawala ang concentration ko sa pagbibilang. Kaya, isa lang ang masasabi ko. Malas gumamit ng stairs. Malas magbilang ng stairs.
Light, Camera, Say Cheese! Hindi raw pwedeng magpa-picture nang tatlo kayo. Kasi raw mamamatay ang nasa gitna. Ewan ko ba kung sinong hindi matinong psychic ang nagpasimula nito. Nang matanong ko si Manong Photographer, totoo raw. Nang minsang kunan niya ng litrato ang kanyang tatlong alagang kuting, namatay si Kittie Kat, iyong nasa gitna. Nalunok ang turnilyong lumuwag sa ulo ni Manong.
Kung ganoon na rin lang, hindi na pala kailangang bumigti, maglaslas, uminom ng lason, tumalon sa billboard, bumaril sa ulo at humithit ng utot para lang mamatay. Meron ng mas madali. Sumingit ka lang sa gitna ng dalawang nagpapa-picture, at bukas, siguradong makakalunok ka ng screw driver.
Santisima Trinidad. Nababagot ka na siguro pero panghuli na lang ‘to. Wala na rin naman akong balak kontrahin kung sumobra o kumulang ba ang konsepto ng tatlong Diyos na ito sa isang katauhan. Kaya bago pa man ako magkasala sa mata ng mga tao, ng mga mathematician, at ng Diyos, magdarasal na lang ako sa ngalan ng…Ama, Anak at Espiritu Santo.
No comments:
Post a Comment