Ang pagiging manunulat ay isang pantaong karapatan. Iyan ang madalas sabihin ng mga taong may labis na pagpapahalaga sa diskursong ito. Tama sila.
Ito ay sa kadahilanang malawak ang kapangyarihan ng ating isip. Ito ang sanhi ng ating pag-iral sa mundo. Kaya nitong buhayin at patayin ang ating materyal na katawan. Kaya nitong supilin ang estado ng ating kamalayan. At kaya nitong pigilan ang likas na pag-ikot ng mundo kung pipiliin nating gawin ito… dahil malaya tayong mag-isip.
At kapag ang mga guni-guni at imahinasyong ito na dala ng malikot na pag-iisip ay nabuo, naitala at naisatinta; ito ay nagiging panibagong ambag sa imperyo ng panitikan.
Maraming isyu at katanungang may kinalaman sa pagiging manunulat ang nais kong ilantad.
Una, paano ba magsulat?
Mula sa pagkatutong isatitik ang nabuong kaisipan, gumawa ka ng panibagong hakbang bilang pagtatasa ng iyong kakayahan. Nagsimula kang lumikha ng mga simpleng panitikan mula sa iyong paligid hanggang sa natuto kang makipag-usap sa espiritu ng iyong katauhan. Oo, para ka na ring nakikipag-usap sa espiritu… sa Diyos.
Natututo ka ng pumili kung alin ang iyong paninindigan at tumugon sa tunay na hinihingi ng lipunan. Natuto ka ng magsulat. Ngunit, bakit ka nagsusulat? Para kanino?
Ikalawa, paano ba maging makata?
Alam kong bukod sa pagiging isang ordinaryong manunulat, marami ang nababagabag kung ano ang tunay na batayan ng pagiging isang makata at kung ilang milya ang kaibahan nito sa isang manunulat?
Hindi mo kailangang ipanganak sa mundo na may IQ na ka-level ni Shakespeare nang sa ganoon ay makapagsulat ka ng panitikan. Hindi mo rin kailangang pumasa sa Board Exam sa pagiging poet of the year para lang magkaroon ka ng lisensya sa pagsusulat. Hindi mo rin kailangang tanungin ang iyong sarili kung gaano ba karaming akda ang kailangan mo pang maisulat bago mo masabing pwede ka ng maging makata. Lalong hindi batayan ang pagkakapanalo sa mga literary contest para lang ma-recognized ka bilang isang makata ng bagong henerasyon.
Simple lang, magsulat ka. Magsulat ka hindi para sa iyong sarili kundi para sa iba. Sa kadahilanang nararamdaman mo sa iyong sarili na sa patuloy mong pakikipagniig sa literatura, nagiging ambag ito sa pagpapatatag ng panitikang Pilipino. Dahil ang pagiging makata ay nasa puso; wala sa lalim at haba ng taludtod na kanyang nagagawa.
Ikatlo, paano ba tumigil magsulat?
Marami ng espiritu ang nagnakaw ng iyong katinuan nang malikha mo ang isang sakong dumi ng iyong mga guni-guni at imahinasyon. Masyado ng malalim ang iyong diwa. Sa layo ng narating ng iyong kamalayan, minsan ay maiisip mong sana’y hindi ka na lang natutong magsulat nang sa ganoon ay hindi ka na inaalipin ng iyong isip.
No comments:
Post a Comment