Sunday, January 10, 2010

Point Something

Ang mahirap sa panahon ngayon, kailangan pa ng mga Pilato na siyang magdidikta kung anong kakayahan meron ka. Pero, wala kang magagawa. Hindi ikaw ang Diyos, responsibilidad mong hanapin at ilagay ang iyong sarili sa dapat na level nandoon ka. Parang elevator, hayaan mo na lang dalhin ka sa kung saan ka dapat.

Kanina lang, dumaan kami sa pasaring na interview para sa mga Student Teacher. Bago raw kasi kami magsisimula ng Practice Teaching, kailangan munang pumasa sa interview. Eh, paano kung hindi ka nakapag-attend ng interview o lumagpak ka? Saan ka ngayon pupulutin?

(Opps, hindi ko po kinu-kontra ang interview sa’min. Nagkataon lang, parang magandang i-topic.)

Kaya ko naman nasabing pasaring eh, parang intermission lang kung baga. Malibang man lamang ang mga makakaalam, (Wow! Sosyal, may interview pa!) (Ang galing naman ng naisip ng ni’yo.), o ‘di kaya’y mabagot ang mga iinterview-hin. Lupit ‘no? Parang dance group na sumasayaw ng ‘di mo alam kung traffic ba o talagang ‘di mo lang alam kung saan patungo ang mga steps. O parang singer na feeling nya lang nasa banyo siya, siya lang ang nakakarinig ng kanta niya at walang audience na napupurisaw. “Patawad!”

Thank you, thank you, am babait ninyo tenk yu! Malapit na ang pasko ano? Ahh, basta… balik tayo sa interview. Intermission lang iyon.

Bago sinimulan ang interview, pumasok kaming lahat sa room at isa-isang nagpakilala. Para bang mga candidates ng Ms. Earth, “I’m blah blah blah, representing the republika ng TM.”

Nagbunutan na kami kahapon kung sino ang mauunang kakatayin at sino naman ang huling tutuliin. Ano iyon?

Teka lang, paalala ko lang.

Rated PG. The following scenes may contain freedom of expressions. Pessimistic Grievances are not accepted.

Ito pa ang malupit na banat. Otso-otso ang usapan. Pero, mukhang lucky nine ‘ata ang nangyari. Marami ang nahuli. Halos alas nwebe y media na nakapagsimulang kumatay kasi naman, expected mo na ‘yan, late din si supervisor kuno. Hay!

At ang susunod na scene, may darating pang late comer few minutes. Babanat itong si supervisor, “Ms. Something, ‘di ba I told you yesterday to be early… as in not to come late (than me)!” Lupet ng reasoning power ‘no? Pwede ng pumasa sa logic.

Tapos, ang malas naman ni Jaime. Napagtripan pa ng mga mata ni visor ang kanyang maong na pantaloon at rubber shoes na converse. Lupet, parang na-convert ang umaga ko at naging gabi. Tatlo kaming nakamaong, at syempre, law of attraction, negative attracts positive (clarification, ako ang positive dun, hmp!).

At si Jaime na ngayon ang binanatan. Hay, buti na lang at bingi ako kaya’t dumaan lang sa hangin. Tapos, may dumating pang-isang teacher (dati visor din siya) at nagtanong kung magkano raw ang maong ko at bibilhin niya. Hindi, tinatanong kung practicum na raw ba ang kuya mong si Jaime. Sabay, tango. “Alam mo, hindi ka igagalang ng mga mag-aaral mo kung ganyan ang suot mo.” At wala na lang akong nagawa kundi ang tingnan ang suot niyang maong at parang gusto ko na rin tanungin kung ginagalang pa kaya siya ng mga estudyante niya sa suot niyang iyon? Pero hindi pwede eh, favorite teacher ko siya kaya I respect him. (Nagka-clue, HIM.) Tapos, bumulong na lang ako sa hangin na, “hindi na kasi ako sir motivated to become a teacher ‘di tulad noon”. Hindi ko alam kung mahina ba iyong boses ko nang bitawan ko ang mga salitang iyon o baka siya naman ngayon ang nabingi. Wala naman siyang stereo sa tenga kaya siguro narinig niya naman iyon. Pagkatapos noon, pumasok na siya sa classroom niya.

Nagtataka ka siguro kung bakit nabanggit kong hindi na ako motivated to become a teacher ngayon. Hayaan mo, ikekwento ko ‘yan, ‘wag muna ngayon.

Hindi naman ako mahilig sa (number) 6 pero ika-anim ako. Ako na. At syempre, hindi ko naman naranasang kabahan, malaki ang kumpeyansa kong walang lalagpak interbyung ito.

Iniharap ko na ang sarili ko sa tatlong Pilato este, hurado: Guidance Counselor, Principal ng BED at Dean ng aming department.

Unang bumato ng tanong ang Principal. Hindi ko nga maintindihan kasi naman hindi ko marinig. (Kahit naman talaga sa subject namin eh parang puwet siyang magsalita. Kahit mag-lip reading ako, ganoon parin, parang pwet talaga. Pwe!

Akala ko kung ano, Bloom’s taxonomy lang pala. Nawindang tuloy ako, nagkabali-baligtad ang sagot. Kung alam ko lang na may enumeration pala sa interview, ‘di sana…

Tapos tinanong ako kung ano raw ang parts of the lesson plan. Ang sinabi ko ay iyong part ng lesson na alam ko, iyong bagong style. Sinabi ko iyong mga parts at mukhang hindi ata alam ni Dean kung ano iyon? (Hindi naman masyadong halata na wala siyang alam sa new type of lesson plan na iyon.) Tapos tinanong naman ako kung alin daw ba ako a 1-10 bilang student teacher.

(Teka lang. Magsisimula na kasi ang interview sa susunod na magiging endorser ng Ginebra. Ipagpapatuloy ko na lang ito mamaya kung kayanin ko o ‘di kaya bukas na lang.)

Continuation: Tapos, otso naman ang sinagot ko. Sa totoo lang, hirap talaga akong ma-cope up ang mga questions nila. Hindi dahil sa na-nosebleed ako, kundi dahil inatake ako ng HOH ko. Sinuportahan ko naman ang sagot ko.

Ang dali nga ng interview sa akin. Siguro naisip ng mga hurado na ang hirap ko namang kausapin. Parang may sarili ba akong mundo at kailangan kong matulala bago makasagot. Hindi umuobra ang pwet reading ko.

Paglabas ko sa inaaakala nilang impyerno, ang dali raw. Siguro, hindi nila nakaya ang evil power ko. Harhar!

Nasa first batch ako, kaya ‘yong sunod na batch, sa hapon. Nag-wifi na lang ako, kaysa naman maramdaman kong parang nasa PBB ako, at isa-isa kaming na-eevict.

Kaya naman, gusto kung ibahagi sa inyo ang mga natutunan kong tips sa ngayong interview.

TIPS sa Interview:

1. Huwag makipagtagisan bilang Best Late Comer sa iyong supervisor, dapat sa kanya lang ang title.
2. Magsuot ng maong upang hindi ka igalang ng mga tao mo.
3. Huwag mag-rubber shoes sa teacher, mag-plastic.
4. Kung bingi, maglinis muna ng taenga. Kung hindi mo pa rin naririnig, mag-request sa IMC ng microphone, 1 month before the activity para hindi maubusan ng reservation.
5. Lastly, kahit gaano pa ni-ruin ng teacher mo ang buhay mo, ‘yaan mo lang, dumi lang siya sa katawan mo. (Ang sama!)


Kapag sinunod mo ang mga tips at masyado mong sinunod ang utos ni Visor, siguradong ang grades mo ay point something.

Hindi ito tikwil. Unang-una, hindi naman ako nagko-contribute sa tikwil asin hapiyap ng aming pahayagan. Hindi ko kaya hilig ang mag-XXX. Para lang ito sa mga estudyanteng nalito sa intermission namin at hindi nagsasawa katatanong kung kumusta daw ba ang interview, may lumalagpak daw ba dito, at ano daw ang feeling. Parang daig pa ang SNN. Marami rin ang nangungumusta sa Review namin. Marami sigurong mga undergraduate sa education ang nag-aalangan. Darating din kayo dyan, kayo na lang humusga.

Inuulit ko, hindi ito ‘tikwil’. Hindi rin ito ‘hapiyap’. Lalong hindi ito kwentot. Request lang ng mga mahilig sa something.

Numero Tres

Hindi pa naman maluwang ang mga turnilyo ko. Kapag wala talaga akong maisulat, naghahanap na lang akong mapagtitripan. Kahit ano. Mahilig akong magtanong. Mahilig akong mag-usisa. Hindi ko alam kung anong meron sa mga tanong ko at palagi silang nagagalit sa akin. Baka naman hindi lang talaga nila kayang sagutin.

Isa sa napagtripan ko ngayon ay kung anong mundo meron ang mga numero. Sino ba ang nagbigay nito? Ang Diyos, ang demonyo o ang Mathematician? Saan naman sila galing? Sa langit, lupa o impyerno? Hay, bahala kang pumili kung alin sa kanila. Sa ngayon, mas naniniwala akong ang mga kubrador ng jueteng ang may kagagawan ng mga kahibangang ito. 32!

Saan naman galing ang mga kubrador ng jueteng? Nagkaroon siguro ng anak sa labas si Adan na ang naging bisyo ay mag-prophecy sa kahulugan ng mga numero hanggang sa naisalin na sa kasalukuyang henerasyon. Ngayon, malinaw na sa akin. Ang numero ay mula sa mga jueteng lord na apo sa libag ni Adan na anak ‘ata ng Diyos.

Sa katunayan, wala naman sa plano ko na ikwento ang kasaysayan ng numero. Gusto ko lang naman pagtuunan ng pansin ang numero tres.

Tres. Ang numerong kinatatakutan sa class card ng mga estudyanteng pasang-awa. Ito ang markang nag-aalangan. Siguro, nakonsensya lang ang titser mo. Imbis na ibagsak ka, dahil nagbabayad ka naman ng tuition, binigyan ka na lang ng tres.

Sa totoo lang, hindi lahat ng nagkaka-tres ay yaong mga pabaya sa pag-aaral at mga lulubog-lilitaw. Meron lang talagang mga titser na iresponsable at pabaya. Mabibigla ka na lang dahil may nawawala o blangko sa record ng mga quizzes, assignments, exams, projects o activities. Kung hindi man, baka may personal na galit sa’yo at dinaan lang sa tigasan ng pulang bolpen. O ‘di kaya’y gusto lang ipagmayabang na mataas ang standard niya at hinding-hindi mo kayang abutin. Ganoon ba ‘yon?

Ready! 1, 2, 3! Bakit kapag palaging huhudyat ng simula, mas mainam gamitin ang tatlong pagbibilang? Hindi naman pwedeng pagsabi mo palang ng uno, takbuhan na agad sila. Ang pangit naman ng hanggang lima o sampu dahil sobrang tagal. Mangagayayat kaya ang mga runners.

Nang makakita akong tatlong bituin sa aking panaginip, sabi ni Manong Kubrador, itaya ko raw ang ‘pompyang tres’ at delikadong tumama ako. Kinabukasan, nag-123 si Manong at hindi na sa’kin nagpakita. Takot sigurong makakita ng tatlong star nang hindi sa oras.

Luzon, Panay Island at Mindanao. Sa mga hindi pa nakakaalam, iyan ang totoong pinagmulan ng tatlong bituin sa watawat ng Pilipinas. Akala mo siguro noon Luzon, Visaya at Mindanao, nagkakamali ka, nagkamali ang titser mo, at nagkamali ang libro.

3-in-1. Mahilig tayo sa mga all-in-one. Tamad kasi at masyadong nagtitipid ang pinoy. Kahit tinitipid ang lasa ng 3-in-1 coffee, noodles at ice candy mo, ayos lang basta matikman mo lang lahat nang isahan. Mayroon ding usong bag sa Avon na pwedeng gamiting shoulder bag, sling bag o maleta. Uso din ito sa underwear ng mga tamad magpalit at maglaba, isang salawal na usable for 3 days. Tipid!

Three Kings. Isa pa sa ipinagtataka ko ay ang Tatlong Hari na palaging binabanggit sa awiting “Ang Pasko ay sumapit”. May tatlong haring nagsidalaw.” Wala man lang bang naligaw nang sa ganoon ay naging apat sila?

Maria Magdalena, Maria Veronica at Maria Salome. Hindi pa naman semana santa para pag-usapan ito pero ang ipinagtataka ko lang talaga ay kung bakit naging tatlo pa o tatlo lang ang Tres Marias. Pwede namang isali si Maria Makiling para apat-dapat. Masyado talaga akong paki-alamiro.

Oro, Plata, Mata. Kahit sa pagpapagawa ng bahay na may hagdan, pinakikialaman pa rin ang tatlong salitang ito. Malas daw kasi kapag tumapat sa ‘Mata’ ang panghuling hagdanan. Hindi dahil mabubulag ka kundi mamalasin ka habang buhay. Kaya kung mahilig kang gumamit ng stairs sa MTV Building dahil malakas ang paniniwala mong ‘it adds years to your life, and life to your years’, mag-ingat ka. Binilang ko na kaya ‘yon. Hindi ko lang matandaan kung ano.

Babala: Huwag tularan!
Nang minsang mag-black-out, dumaan ako sa fire exit ng MTV Building papunta sa 6th floor. Habang binibilang ko ang mga hagdanan, hindi ko alam na ginagawa palang playground ng mga hayskul ang lugar na ‘yon kapag vacant hours. Hindi ko namalayan na may estudyanteng tumatakbo pababa, parang nawalan ng preno at nabundol ako. nauntog ang ulo ko at nawala ang concentration ko sa pagbibilang. Kaya, isa lang ang masasabi ko. Malas gumamit ng stairs. Malas magbilang ng stairs.

Light, Camera, Say Cheese! Hindi raw pwedeng magpa-picture nang tatlo kayo. Kasi raw mamamatay ang nasa gitna. Ewan ko ba kung sinong hindi matinong psychic ang nagpasimula nito. Nang matanong ko si Manong Photographer, totoo raw. Nang minsang kunan niya ng litrato ang kanyang tatlong alagang kuting, namatay si Kittie Kat, iyong nasa gitna. Nalunok ang turnilyong lumuwag sa ulo ni Manong.

Kung ganoon na rin lang, hindi na pala kailangang bumigti, maglaslas, uminom ng lason, tumalon sa billboard, bumaril sa ulo at humithit ng utot para lang mamatay. Meron ng mas madali. Sumingit ka lang sa gitna ng dalawang nagpapa-picture, at bukas, siguradong makakalunok ka ng screw driver.

Santisima Trinidad. Nababagot ka na siguro pero panghuli na lang ‘to. Wala na rin naman akong balak kontrahin kung sumobra o kumulang ba ang konsepto ng tatlong Diyos na ito sa isang katauhan. Kaya bago pa man ako magkasala sa mata ng mga tao, ng mga mathematician, at ng Diyos, magdarasal na lang ako sa ngalan ng…Ama, Anak at Espiritu Santo.


Gutom lang 'yan!

Ako’y isang makata
nangahas gumawa ng tula.

Sa karton, isinatinta
ang pangarap sa pagkabata,
at naghanap ng kalinga
mula sa matatalinghagang salita.

Sa bawat taludtod hinulma
ang kalansing ng barya.
At saka, itinugma
sa kalam ng sikmura.

Kami’y mga makata ng lansangan na lumilikha
ng tula ng pakikibaka.
Kami’y mga pulubi na nililikha
ng pailalim na salita.


Larawan mula sa: httpfarm4.static.flickr.com33473299674549_3cef13ed9b.jpg

Huwag ka na lang kasing magsulat!

Ang pagiging manunulat ay isang pantaong karapatan. Iyan ang madalas sabihin ng mga taong may labis na pagpapahalaga sa diskursong ito. Tama sila.

Ito ay sa kadahilanang malawak ang kapangyarihan ng ating isip. Ito ang sanhi ng ating pag-iral sa mundo. Kaya nitong buhayin at patayin ang ating materyal na katawan. Kaya nitong supilin ang estado ng ating kamalayan. At kaya nitong pigilan ang likas na pag-ikot ng mundo kung pipiliin nating gawin ito… dahil malaya tayong mag-isip.

At kapag ang mga guni-guni at imahinasyong ito na dala ng malikot na pag-iisip ay nabuo, naitala at naisatinta; ito ay nagiging panibagong ambag sa imperyo ng panitikan.

Maraming isyu at katanungang may kinalaman sa pagiging manunulat ang nais kong ilantad.

Una, paano ba magsulat?

Mula sa pagkatutong isatitik ang nabuong kaisipan, gumawa ka ng panibagong hakbang bilang pagtatasa ng iyong kakayahan. Nagsimula kang lumikha ng mga simpleng panitikan mula sa iyong paligid hanggang sa natuto kang makipag-usap sa espiritu ng iyong katauhan. Oo, para ka na ring nakikipag-usap sa espiritu… sa Diyos.

Natututo ka ng pumili kung alin ang iyong paninindigan at tumugon sa tunay na hinihingi ng lipunan. Natuto ka ng magsulat. Ngunit, bakit ka nagsusulat? Para kanino?

Ikalawa, paano ba maging makata?

Alam kong bukod sa pagiging isang ordinaryong manunulat, marami ang nababagabag kung ano ang tunay na batayan ng pagiging isang makata at kung ilang milya ang kaibahan nito sa isang manunulat?

Hindi mo kailangang ipanganak sa mundo na may IQ na ka-level ni Shakespeare nang sa ganoon ay makapagsulat ka ng panitikan. Hindi mo rin kailangang pumasa sa Board Exam sa pagiging poet of the year para lang magkaroon ka ng lisensya sa pagsusulat. Hindi mo rin kailangang tanungin ang iyong sarili kung gaano ba karaming akda ang kailangan mo pang maisulat bago mo masabing pwede ka ng maging makata. Lalong hindi batayan ang pagkakapanalo sa mga literary contest para lang ma-recognized ka bilang isang makata ng bagong henerasyon.

Simple lang, magsulat ka. Magsulat ka hindi para sa iyong sarili kundi para sa iba. Sa kadahilanang nararamdaman mo sa iyong sarili na sa patuloy mong pakikipagniig sa literatura, nagiging ambag ito sa pagpapatatag ng panitikang Pilipino. Dahil ang pagiging makata ay nasa puso; wala sa lalim at haba ng taludtod na kanyang nagagawa.

Ikatlo, paano ba tumigil magsulat?

Marami ng espiritu ang nagnakaw ng iyong katinuan nang malikha mo ang isang sakong dumi ng iyong mga guni-guni at imahinasyon. Masyado ng malalim ang iyong diwa. Sa layo ng narating ng iyong kamalayan, minsan ay maiisip mong sana’y hindi ka na lang natutong magsulat nang sa ganoon ay hindi ka na inaalipin ng iyong isip.