Friday, November 13, 2009

Mga Natatanging Karanasan sa DemoTeaching

Sa ngayon, mukhang nagiging natural na lamang sa akin ang magturo. Marahil, dahil na rin ito sa mga pagsasanay na pinagdaanan ko noong nasa elemtarya at sekondarya pa lang ako. Ang pagiging tutor ko at walang sawang pa-uulat sa klase noong High School ako ang mga naging arena ng mga pagsasanay ko. Kung hindi dahil doon, siguro hanggang ngayon ay palagi pa rin akong kinakabahan kahit sa mga simpleng pag-uulat sa klase o maging sa pagde-demo. Kaya sa unang taon ko dito sa Naga College Foundation, nasanay na ang sarili ko.

Sa apat na taon kong pamamalagi at pagpapakabihasa sa pagtuturo, mas marami pa akong natutunan maliban sa ordinaryong pag-uulat. Natuto ako ng mga tinatawag nilang Motivation (meron pala noon?). Kung sa High School, basta tumayo ka lang sa harap ng klase, ipaskil (kung meron man) ang inihandang visual aids, at magsasalita na para bang ikaw lang ang nakaka-intindi ng mga pinagsasabi mo, ayos na iyon, reporting na ang tawag doon. Dito sa College, lalo pa’t Education ang kinuha ko, dapat ramdam mo talagang guro ka na at hindi ka lang basta nag-uulat sa klase.

Ang paggawa ng lesson plan ang pinaka-kalbaryo ko sa pagiging student-teacher. Hindi kasi ako marunong gumawa ng detailed at semi-detailed lesson plan. Kasi para sa akin, parang nalilimitahan tuloy ako kung paano ko isasagawa ang pagtuturo. Ang pinakaayaw ko ay iyong ikaw na mismo ang nagse-set kong ano ang dapat na isagot ng mga mag-aaral mo. Para bang ikaw ang hari at sila ay magiging sunud-sunuran.

Sa unang pagkakataon, naranasan kong mag-demo. Ang isabak ang sarili sa tunay na pagtuturo. Bahagi kasi ng aming aralin sa Drama 1 ang pag-demo. Naging maganda ang talakayan, nag-enjoy ang mga mag-aaral ng Grade 3 at pati na rin ako. Pagkatapos kong mag-demo, may mga nagbigay sa akin ng mga notes galing pa sa mga slow learners. Nakaka-inspire talaga iyon. Iyon bang nararamdaman kong tanggap nila ako bilang guro at tanggap na rin ng mundo ang pagiging guro ko. Ang pinakamasaklap lang ay ang resulta ng demo ko mula sa cooperating teacher ko, ang baba. Hindi na bale, new curriculum kasi ako, kaya siguro hindi siya naka-adjust sa bagong mundo ng pagtuturo. Ganoon man ang naging resulta, ramdam ko pa rin sa kaloob-looban ko na kahit papaano, alam kong excellent pa rin sa akin ang naging demo ko. Hanggang ngayon, nakatago pa rin ang mga pagsusulit ng mga naging mag-aaral ko pati na rin ang kanilang mga notes na nakakataba ng puso.

Napakahalaga ng naging ambag niyon sa buhay ko. Ang nakakabigla nga ay iyong kahit makita nila ako sa labas ay tatawagin pa rin nila akong “Teacher James”. Kaya tuloy nahihiya ako sa kanila sa tuwing nakikita nila akong parang ‘hindi ako magiging titser’.

Sa pangalawang pagkakataon, naisabak ako sa lugar ng Minalabac. Naging parte iyon ng Children’s Literature subject. Doon ko naramdaman ang totoong pagiging guro. Katulad ng dati, naging natural lang ang daloy sa akin ngunit alam kong nagiging parte ng learning process ang mga mag-aaral. At iyon ang nakapagpapatunay na talagang meaningful learning ang nagyayari. Ang natutunan ko ay dapat pala maalis ang learning gap ng mga mag-aaral kaya dapat alam mong nakaka-relate ang mga bata. Salamat na rin kay Bolet, ang tauhan sa kwentong “Ayan na si Bolet Bulate”.

Sa mga nagdaang taon, mas marami pa akong pinagdaanang teaching demo na kung saan ito ay humubog sa akin kasanayan.

Sa kauna-unahang pagkakataon, naisabak ko rin ang sarili ko sa pag-demo sa mga mag-aaral sa kolehiyo. Ang “Stainless Longganisa” ni Bob Ong ang naging teksto na ang pangunahing paksa ay ang proseso ng pagsusulat ng sariling aklat.

Oo nga, nagiging natural na lamang sa akin ang magturo ngunit palagi pa rin akong nahaharap sa mga sitwasyong nawawala ako sa mundo kakaisip ng estratehiya at gawain upang maging makahulugan ang talakayan hindi lamang sa akin kundi pati na rin sa mga magiging mag-aaral ko. At dahil na rin sa kaunting panahon ng paghahanda, kinakabahan din ako dahil hindi na bata, ang tuturuan ko, kundi mga kasing edad ko na rin.

Mahirap talakayin ang mga kabanata sa aklat na Stainless Longganisa ni Bob Ong dahil na rin sa iba’t-ibang realidad ang tinatalakay doon ni Bob Ong.

Hindi natapos ang pag-uulat ko noong sabado dahil kinulang sa oras. Nasundan ito ng halos kalahating buwan dahil na rin sa mga hindi maiiwasang pagkakataon. At nito lang Setyembre 30, natapos din. Buti na lang at hindi inanod ng baha ang mga ideya ko ng Bagyong Ondoy. Naging matagumpay. Kaya lalo ko pang nakukumbensi ang sarili ko na talagang ito na ang kahahantungan ko, ang maging titser.

Marami akong natutunan bukod sa mga ideolohiya ni Bob Ong. Hindi lang sa mga anggulo ng pagsusulat kundi pati na rin sa pagiging guro. Kung ayaw ni Bob Ong ng larong scrabble, ayaw na ayaw ko naman ng mga detailed at semi-detailed lesson plan. Bagamat bago pa man ako pumasok sa klase ay meron na akong mga tiyak na layunin, mas gusto kong nagiging learner-centered ang talakayan. Dahil na rin sa malayang pagpapahayag ng mga mag-aaral ng kanilang sariling pananaw, minsan tuloy ay nababago rin ang aking kaisipan. Minsan, hindi ko namamalayang sumasang-ayon na pala ako sa kanila. At sila na mismo ang nagiging batayan ko kung paano ko na susundan ang proseso.

Masyado silang matanong. Ang ilan naman ay medyo nahihiya ring magsalita. Natatawa ako dahil minsan mausisa ang ilan. Hindi ko nga akalaing pati ang ISKRABOL ni Bob Ong na ginawa kung batayan ng talakayan ng Stainless Longganisa ay itatanong pa nila kung nasa aklat daw ba o ako mismo ang gumawa ng konsepto. Masaya naman ako kasi na-appreciate din nila iyon. Pero natural lang naman iyon eh, ginawa ko naman iyon hindi para purihin ako kundi hirap lang talaga ako sa mga aklat ni Bob Ong na kahit isang ideya lang ang gusto niyang palabasin, marami pa siyang realidad na ikinikwento. Kaya tuloy kung minsan, pagkatapos kung mabasa ang buong aklat, para akong natutulala.

Salamat kay Bob Ong at marami akong natutunan. Sayang nga lang, ngayon ko lang nakilala ang mga aklat niya kung kailan nasa kolehiyo na ako. At salamat na rin sa karanasang ito na magiging bahagi na ng mga karanasan ko sa pagiging guro.

No comments:

Post a Comment