Hindi ako magsusulat nito para lang ikwento ang recipe ng paborito kung ulam. Wala rin akong balak magtayo ng isang karenderya o restaurant para lang talbugan ang Jollibee o McDo. Mas lalong hindi naman halata sa katawan ko na matakaw akong kumain. Ewan ko ba kung bakit, ang akin lang, kanina pa kumakalam ang sikmura ko sa katititig sa lay out ng isyung ito.
Isipin mo na lang na nasa dining room ka o sa kung saan ka madalas kumain-canteen, karenderya, restaurant o wala sa nabanggit.
Ako, mahilig ako sa mga karenderya. Iyon lang kasi ang kaya ng isang iskolar na tulad ko. Bukod sa masarap at mura ang mga ulam, libre ang sabaw. Ewan ko ba kung anong meron sa sabaw na wala ako?
Isa ako sa mga iskolar ng bayan. Kabilang ako sa mga nakikinabang ng mga sabaw na ipinagkakaloob ng gobyerno, paaralan o sinumang indibidwal sa mga taong gustong makapagtapos ng pag-aaral.
Iba-iba rin ang flavor ng pagiging iskolar. Katulad ng sabaw, merong chicken soup na talagang pang-Bon Appitit sa mga restaurant na madalas mong banggitin ang “sabaw pa lang, ulam na”. Meron namang libreng sabaw sa mga karenderya. Iyong galing sa nilagang baboy, baka, manok, ipis, etc. Meron ding sabaw na parang ewan ko ba kung sabaw pa nga ito o mainit na tubig na lang na hinaluan lang ng bawang, sibuyas at kamatis magmukhang sabaw lang. Siguro, nag-iba lang ang lasa nang maisawsaw ni manong ang kanyang kuko nang abutin saiyo ang tasa ng hiningi mong libreng sabaw, hindi mo lang talaga napansin.
Sa buhay ngayon, kung gusto mong mabusog ka ng sapat na edukasyon, masarap na ulam na ang kahit papaano’y dumedepende ka lang sa mga sabaw. Hindi mo kailangang isipin na ‘ang cheap’ naman ng ginagawa mo. Ang mahalaga, pagkatapos mong kumakain, mabusog ka man lamang at humikab.
Marami akong kilalang chicken soup ang tumutustos sa pag-aaral. Sila iyong mga iskolar ng mga Study-Now-Pay-Later, SAFE Loan at mga Pre-need Plans tulad ng GSIS, PhilamLife, at Bombay. Ito iyong mga iskolarship na talagang hindi naman libre dahil magbabayad ka rin. Pero kahit papaano, malaking tulong na rin ito sa gahol sa pinansyal. Ang problema lang, paano mo mababayaran kong magtatapos ka rin naman ng walang trabaho?
Paborito ng marami ang pangalawang kategorya ng sabaw. Ito ang mga iskolarship na ibinibigay ng gobyerno, kilalang organisasyon, at paaralan. Nang minsang mabisita ko ang restaurant este Office ng Scholarship Coordinator, kung bibilangin mo ang menu ng mga scholarships na ino-offer ng paaralan, halos umaabot sa apat-na-pu ang maaari mong pagpilian upang tumustos sa kalam ng iyong bulsa.
Mas uso ang sabaw na parang relief goods ng gobyerno sa oras ng economic crisis. Pwede kang maging SHARE scholar, City scholar, etc. At pwede ka ring maging scholar ng sinumang politiko hindi dahil nagkakaroon ng bahid politika. Minsan, sasabihin mo, ginagawa lang nila ang mga iyan dahil malapit na ang eleksyon. Sa puntong ito, responsibilidad nilang tumulong para sa ikabubuti.
Kung genius ka, pwedeng-pwede kang maging Resident Scholar. Iyon nga lang, duduguin ka naman sa pagpapanatili ng markang hindi bababa sa 1.4 ang average per semester. Kaya mo yan?
Kung hindi mo kayang higupin ang ganyang sabaw na para bang gusto ka lang pasuin, meron pang ibang plausible options. Pwede ka rin namang magpursigeng maging kasapi ng mga organisasyon katulad ng The Naga Collegian na nagbibigay din ng libreng sabaw. Dito, hindi gobyerno o kahit sino pa mang prominenteng tao ang nagpapaaral saiyo kundi ang mismong mga mag-aaral ang nagbabayad ng sabaw na hinihigop mo.
Hindi dahil libre ay wala ka na ring gagawin kundi ang humigop ng humigop na lang. Pagkatapos, tapos na. Tinutustusan ka ng mga mag-aaral kaya’t tungkulin mo ring ibalik sa kanila kung alin ang dapat at tama.
Kung meron kang kapansanang-pisikal, hindi iyan hadlang upang makapagtapos ka ng pag-aaral. Nariyan din ang scholarship na nagbibigay ng tulong-pinansyal upang kahit papaano, masabi mong may karapatan ka ring makapag-aral.
Kung hindi ka genius, wala ka namang kapansanan, at ayaw mo rin ng iniisip mong bahid politika, dito ka na lang sa huling kategorya ng sabaw. Ito ang sabaw na hindi nga pang-Bon Appitit pero gaganahan ka rin naman kumain. Ito ang scholarship mula sa mga kapamilya at kapuso mo.
Meron ngang ilan, magpapaasawa muna sa mga kano, hapon, negosyante, o tambay, makapag-aral lang ng pinapangarap na kurso sa kolehiyo. O kung hindi man, tinutustusan ng magulang, asawa o kapatid na nasa Hongkong, Saudi, o Japan.
Masarap din siguro ang ganoon. Ewan ko lang kung baka bago pa man dumating sa Pinas ang delivery, panis na ito. Nakakaawa lang isipin na iyong mga pinag-aaral nila, feel na feel naman ang linamnam.
Iskolar ka ng bayan. Iskolar ka man ng gobyerno, ng paaralang ito, ng mga estudyante, o ng pamilya mo; panindigan mong iskolar ka nga. Hindi dahil naibsan na ang kalam ng iyong sikmura, iuutot mo na lang ‘yan mamaya. Susuklian mo ng isang kongkretong kilos mula sa isang positibong enerhiya. Hindi sa mga pagpapakitang-tao, kundi dahil alam mong ikaw ay nasa tamang kinalalagyan.
Heto na ang in-order mong soup. ‘Wag ka lang sanang mapaso at mabulunan.
Serve while it’s hot!
No comments:
Post a Comment